“Sino ang iboboto mo?”
Ito ang tanong na di mo mawari kung ano talaga ang ibig sabihin.
May halaga nga ba kung malaman ng taong nagtatanong kung sino ang iboboto ng pinagtanungan?
Sa isang botanteng hindi pa alam kung sino ang iboboto niya,
Malamang-lamang na, kailangan niya ang opinyon ng kahit sino,
Basta kumbinsing!
Sa isang botanteng may kandidato na,
Ang tanong na ito ay isang imbitasyon para sa isang pagsang-ayon
(kapag pareho ng kandidato)
O kaya nama’y imbitasyon para sa debate,
(uso nga naman eh)
Sa isang di botante, dalawa lang ang dahilan:
Una, para malaman ang opinyon ng iba.
Pangalawa, para ipaalam ang opinyon niya.
Nasaan ka?
Sa botante o hindi?
Kung botante ka,
Sa may kandidato na o wala pa?
“Paano ba bumoto?”
Sino na lang ba ang walang ideya kung paano?
Eh kahit batang hindi marunong magbasa kaya kang turuan kung paano eh.
Sa sobrang daming isyu ngayon tungkol sa bagong pamamaraan ng eleksyon,
Kaya nga ba isakatuparan ang “Automated Election?”
Eh bakit sa ibang bansa nakaya naman?
Idadahilan nanaman ba na,
“Eh kasi sila yun, Pinas ito.”
Makina ba talaga ang problema, o tao?
O pareho?
“Sino ba ang dapat iboto?”
Magaling,Matalino,Maka-Diyos, Makatao, Mabuti, Mabait, Matapat, Masipag, Matiyaga, Maraming Nagawa, Maraming Natulungan, Mahirap, Mayaman, at iba pang “Ma-...”
May tao ba talagang ganito?
Kapag ba “Ma-“ , hindi na makakagawa ng Mali?
Perpekto ba dapat ang kandidato?
May perpekto bang tao?
*Magaling, Matalino
Ilang presidente na ba ang dumaan?
Hindi ba’t magaling si Ginang Arroyo?
At sino pa bang tatalino kay Ginoong Marcos?
Pagalingan at patalinuhan lang ba talaga ang batayan?
*Maraming Nagawa, Maraming Natulungan
Ang daming nakalista oh.
Ang konti naman niyan.
Sari-saring paghahambing,
Alam mo ba ang ibig sabihin?
Ilang daang batas ang napasa niya.
Naipatupad ba?
Ganito nagawa ko,
Ganyan lang nagawa niya.
Oo importante ang may nagawa.
Basta naman nakaupo may ginagawa na diba?
At kahit sino pang nakaupo,
May masasabing may gagawin at nagawa siya.
Kailangan nga ba talagang nakaupo para may magawa?
O kailangan lang talaga ng upuan para mapansing may ginawa.
Hindi ba’t lahat naman ay nag-uumpisa sa wala?
Ang gulo.
*Mahirap, Mayaman
Sino ang tunay na mahirap?
Mahirap pa rin bang maituturing ang mahirap na yumaman?
Kung mayaman noong bata?
Ibig sabihin ba,
Hindi na niya alam kung ano ang pakiramdam ng mahirap?
Ikaw na nagbabasa ng magulong sulat na ito,
Mahirap ka ba?
Mayaman? Siguro…
Ako, timawa eh.
Tama lang para sa desenteng buhay.
Sandali, desente pa din naman kahit mahirap ah?
Nasa pamantayan lang ng tao kung saan siya nabibilang.
Tao lang din ang magsasabi kung desente ang kanyang buhay.
Importante ba talaga kung mayaman o mahirap ang kandidato?
Ang mahirap ba hindi matutuksong magnakaw?
Ang mahirap na yumaman kaya?
Pano naman ang mayaman na naghirap?
Bakit may mga mahirap na lalong nahirap?
Tapos may mga mayaman na lalong yumaman pa?
*Maka-Diyos, Makatao, Mabuti, Mabait, Masipag, Matiyaga, atbp.
Lahat naman ng tao kayang maging ganito kahit isang araw.
Nagdasal bago kumain = Maka-Diyos
Umawat ng away = Makatao
Gumalang sa isang tao = Mabuti
Humingi ng tawad = Mabait
Gumawa ng Assignment/ Trabaho = Masipag
Nagsulat ng Assignment sa kuwaderno / Pumasok kinabukasan sa trabaho = Matiyaga
Ang nagbasa hanggang dito = Matiyaga talaga! :D
Sino nga ba ang mas nakakalamang sa “Ma-?”
At bakit nakalimutan ko palang sabihin…
Mapagmahal…
Mapagmahal sa kapwa,
Mapagmahal sa bayan.
Hindi ba’t lahat ng tao ay dapat ganyan?
Ang taong gumawa ng mabuti,
Hindi ba kayang gumawa ng masama?
At ang taong gumawa ng masama,
Hindi ba kayang gumawa ng mabuti?
Bakit ba masyado tayo kung makapang-husga?
“Ano ba ang mangyayari pagkatapos bumoto?”
Ayun, siya nanalo,
Ayun, siya natalo.
Sabi ko na siya mananalo eh.
Nandaya yan kaya nanalo eh.
Sa dinami-dami ng eleksyon,
Bakit kailangan may “Running mate?”
Kapag ba nanalo yung isa,
Hindi susuportahan nung nanalong hindi niya ka running mate?
Ganyan kasi ang kalakaran eh.
Administrasyon, Oposisyon
Hindi ba’t kapag nanalo ang oposisyon,
Administrasyon na sila?
Bakit kailangan ng oposisyon?
Para may kumontra?
Bakit hindi na lang magkasundo diba?
Nasa nakaupo nga ba nakasalalay ang lahat?
Isisisi lang din ba sa nakaupo ang lahat?
Obligasyon ba ng pamahalaan na pag-aralin at pakainin ang mga mamamayan?
Sa namamahala nga ba talaga dapat iasa ang ika-uunlad ng bansa?
Sila nga ba talaga ang tumutulong sa bansa?
Bakit kailangang nakapangalan sa isa ang bawat proyekto?
Kung ito nama’y nanggaling din sa pondo ng Pilipino?
Kahit sino pa ang umupo,
Mamamayan din naman ang dapat kumilos para sa sarili niya.
Sino nga pala ang iboboto mo?
Bakit siya?
Hindi ko tinatanong kung bakit, “hindi yung isa.”
Kundi, “bakit siya?”
Pero kung gusto mo’y ayos lang din.
Bakit siya, o bakit hindi siya.
Ito na ang iyong pagkakataon.
Hinihingi ko ang iyong opinyon.
Pakiusap ko lamang ay iwasan ang paninira,
Sana ang mga ipahayag niyo’y PERSONAL niyong nakuha,
At hindi galing sa kung sinu-sinong nagsalita.
* ika-4 ng Mayo, sa taong 2010
Limang minuto bago mag-alas singko ng hapon.
*Kinunan sa isang 2 mega pixel na camera na nakapaloob sa telepono.
Nasa litrato: Laptop, Official Sample Ballot, Magulong Gamit, at Magulong Utak.